Saturday, September 26, 2015

SI ISKONG BALIW

SI ISKONG BALIW
Written by Rill Heart

LUMAKI ako ng walang nakilalang ama. Pumasok ako ng eskuwelahan na tanging ang nanay ko lamang ang kasama ko. Siya ang nagtatanggol sa akin kapag napagkakaisahan ako ng mga kaklase ko sa eskuwelahan. Payatot daw kasi ako, bobo, at sira-sira ang sukbit na bag. Mahirap lang kasi kami. Labandera ang nanay ko. Halos ginawa na niya yata lahat ngunit hindi pa rin kami makaahon sa kahirapan. Pinangako ko sa sarili ko na kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral ay maghahanap ako ng magandang trabaho at itataguyod ko lalo ang pamilya ko.
            Sabi sa akin ni Nanay, sumama raw si Tatay sa babae niya—babaeng mababa ang lipad. Iniwan kaming dalawa noong dalawang buwan pa lang ako. At kailanman ay hindi na siya bumalik, hindi na nagpakita. Kinamumuhian ko siya. Sabi ko sa sarili ko, makakaahon kami ni Inay at ipamumukha ko sa tatay ko kung gaano niya kami sinayang sa pagpili niya sa kanyang babae. Ang kuwento pa ni Inay ay may anak na raw si Itay sa babae nito. Buo na ang pamilya, masaya, samantalang kami ay naghihirap.
            Ni ayoko siyang makita. Ni isang larawan niya ay ayokong hanapin kay Inay. Para ano pa? Sapat na ang kuwento ni Inay sa akin para itatak sa isip at puso ko na isa lang ang magulang ko. At si Inay lang iyon, wala ng iba.
Tinupad ko ang pangako ko. Nagtapos ako ng kolehiyo sa kursong Mechanical Engineering. Nakapasa ako sa exam at nakakuha ng magandang trabaho. Ngayon ay may sarili na akong pamilya. Si Inay ay iniwan na rin ako noong araw nang mag-graduate ako. May dalawa na akong anak ngayon. Babae ang panganay at lalaki naman ang bunso ko. Nasa ikalimang baiting na si Baby at nasa ikalawang baitang naman si Junior.
Mayroon din kaming maliit na tindihan—sari-sari store. Kapag wala akong trabaho ay ako ang tumatao sa tindahan.
Kamakailan lang ay may isang matandang lalaking baliw ang laging tumatambay sa harap ng tindahan namin, si Isko. Kilala na siya halos lahat ng tao sa barangay namin dahil sa sobrang kulit niya. Palagi ko siyang pinapaalis sa harap ng tindahan namin pero bumabalik pa rin kinagabihan at doon matutulog. Hindi rin ako nagsasawang magpalayas kay Isko.
Ang bali-balita sa barangay namin ay ilang ulit na raw itong nakakatakas sa mental. Nagsawa na rin siguro ang mental sa kakadakip dito at ngayon ay pinabayaan na lang. Iniwan daw ito ng asawa dahil nangbubugbog ito. Kaya nalulong sa masamang bisyo, droga, alak, hanggang sa mabaliw at wala nang mauwian.
Natatakot ako kay Isko dahil baka anumang oras ay manloob ito at saktan kami, ang mga anak ko at ang asawa ko, lalo na kapag wala ako at nasa trabaho, kaya ayokong masanay si Iskong Baliw sa pagtambay sa harap ng tindahan namin.
Isang hapon, nang dumating ako ay nakita ko si Iskong Baliw na nasa tapat na naman ng tindahan namin, natutulog. Nakasandal ang ulo sa sementong dingding at may sako na katabi—na sa tingin ko ay mga damit ang nasa loob. “Hoy! Iskong Baliw, gising! Layas! Ang baho-baho mo!” Dumilat si Isko. “Ilang beses ka ba dapat pagsabihan?!” Pagod ako sa trabaho, dumagdag pa itong si Iskong Baliw.
Umangil lang ang baliw, hindi natinag. Sinipa ko siya sa paa. Umangil ulit. Sinipa ko pa siya ng ilang ulit. Hindi talaga. “Pagbalik ko rito na hindi ka pa rin umaalis, humanda ka sa `kin,” banta ko. Yumuko lang ang baliw at sinamsam ang katabing sako.
Nang makapasok ako sa bahay ay nakita ko ang panganay kong si Baby sa sala na umiiyak. “O, ano ang nangyari sa `yo? Bakit ka umiiyak?” tanong ko. Nilapitan ko ang anak ko at inakbayan. Inalo ko siya. “Ang mama mo?” Hindi pa rin sumasagot si Baby. Tumayo na ako. “Ang kapatid mo? Bakit ba hindi ka sumasagot? Ano ba ang nangyayari rito?” Sinuyod ko ang buong bahay, pero wala ang asawa ko. “Iniwan ang tindihan?”
 Pumunta ako sa tindahan at ni-lock ang drawer kung saan nakalagay ang benta. Nang bumalik ako kay Baby ay umiiyak pa rin ito. Napansin ko ang dumi nito sa kaliwang braso.
“Bakit ang dumi mo?” Pati pala ang likod nito ay madumi, parang gumulong sa putik. Sinakmal ako ng takot. Niyugyog ko na si Baby. “Ano ba talaga ang nangyari sa `yo? Bakit hindi ka sumasagot?”
“S-si Iskong Baliw…” sagot nito sa kabila nang paghagulgol.
“Ano ang ginawa niya sa `yo?!” sigaw ko.
Hindi na uli sumagot si Baby.
“May ginawa siyang masama sa `yo?!” Halos maluha ako. Naghanap ako ng puwedeng maipukpok. Nakakita ako ng bakal na tubo sa likod ng pinto. Paglabas ko ay nakita ko si Iskong Baliw na natutulog na naman. “Ano ang ginawa mo sa anak ko?!” Sabay niyon ay ang paghataw ko sa ulo niya. Sumadsad si Isko sa lupa. Hinablot ko ang nanlalagkit na buhok niya. “Ano ang ginawa mo sa anak?!” Pinagsusuntok ko siya sa tiyan at sa mukha. Ungol lang ang nagawa nito.
Marami nang taong nakiki-usyuso sa amin. Ni isa ay walang gustong mangialam. Hinataw ko pa siya ng tubo sa likod, mas malakas sa pagkakataong iyon. Umiiyak na rin ito. Nanggigil ako, nanggagalaiti. Kung mapapatay ko man siya ay wala akong pakialam. Sinaktan niya ang anak ko, ginawan niya ng masama. Mahal na mahal ko ang pamilya ko at ni isa ay hindi ko hahayaang may makapanakit sa kanila. Iyon ang hindi nagawa ng ama ko sa amin ng inay ko. At iyon ang nararapat kong gawin sa sarili kong pamilya.
Sa sobrang galit ko ay walang humpay ang hataw ko sa likod ni Isko kahit nakasadsad na ito sa lupa at sumisigaw na nang saklolo. Pero ni isa ay walang gustong sumaklolo rito. Huminto ako nang tinawag ako ng asawa ko, kasama ang bunso ko. Umiiyak ito.
“Ano ang ginawa mo?” tanong niya sa akin, sa kabila ng pagtaas-baba ng dibdib nito.
Bumuga ako ng hangin. “Ginawan niya ng masama ang anak natin…” imporma ko, hingal na hingal.
“H-hindi…”
“Ha?”
Hinila ako ng asawa ko sa bahay. Umiiyak na ito. May hinugot ito mula sa bulsa nito.
“Saan ka ba galing? Bakit mo iniwan ang bahay? Si Baby lang rito! Hindi mo lang ba naisip na babae ang anak natin?!”
Inabot niya sa akin ang isang larawan. “Ano `to?” Pinagmasdan ko ang larawan. May punit iyon sa gilid. Kung hindi ako nagkakamali ay si Isko iyon, noong matino pa ito. “Bakit ka may larawan ng Iskong Baliw na `yan? Alam mo ba ang ginawa niyan sa—”
Umiiyak pa rin siya habang kinapkap sa likod ko ang wallet ko. “Ano ba ang ginagawa mo?”
Kinuha nito ang larawan ni Inay doon na galing sa punit. Saka kinuha sa akin ang larawan ni Isko. “Diyos ko!” Natutop ng asawa ko ang sariling bibig. Pinagdikit nito ang dalawang larawan. Ang larawan ni Iskong Baliw ay ang kapigtal na larawan ng larawan ni Inay na nakatago sa wallet ko noon pa man.
Nanlaki ang mga mata ko. “S-saan mo ito nakuha?”
“Kay Isko. Kay Isko! Binigay niya sa akin nang dalhin niya rito si Baby. B-in-ully siya ng mga kaklase niya sa eskuwelahan. Ipinagtanggol niya ang anak natin, Edward.” Masagana ang luha nitong kanina pa namamalisbis sa pisngi nito.
Nasabunutan ko ang sarili. “H-hindi ko maintindihan.”
“Ako ka ba? Si Isko ang ama mo… si Isko!” Niyugyog niya ako.
“Hindi. Hindi,” iling ko. Halos matanggal na yata ang ulo ko sa kakailing ko ng ilang ulit. Naihilamos ko ang sarili kong palad.
Hinila ako ng asawa ko sa labas. Doon ay nakita namin si Isko na nakahandusay, wala na itong buhay. Napalunok ako nang sunod-sunod, tumatambol ang dibdib at pawisan.

Lumuhod ako at kinapa si Iskong Baliw. Pinatihaya ko siya. Putok ang labi nito, naghuhugas sa dugo ang pobreng mukha. Umiling ako, kasabay niyon ay ang pagtulo ng mga luha ko.


www.sba.phwww.sba.ph

2 comments:

  1. Entry for Saranggola Blog Awards 7 under Maikling Kuwento.

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete